Reflection on the Internship Experience in Childhope Philippines
“Bilang isang batang kalye na akala ng lahat ay walang patutunguhan, akala ng lahat ay maagang makakapag-asawa o akala ng lahat ay walang abilidad. Madalas nahuhusgahan agad yung mga kagaya namin. Hindi agad nabibigyan ng oportunidad na maipakita kung ano yung galing ng isang bata”. Ito ang mga katagang isinambit ni Ate Christtele Suspene, isang graduate scholar ng Childhope Philippines, na isa sa mga pinakatumatak sa aking puso’t isipan sa loob ng aking saglit na panunuluyan sa Childhope Philippines Foundation.
Sa aking unang pagtapak sa Childhope, cliche man pakinggan ngunit naramdaman ko agad na hindi lamang ito isang organisasyon kundi isang pundasyon ng mga taong nagtuturingan bilang iisang pamilya na may malaking hangarin para sa mga tinaguriang pag-asa ng bayan – higit na sa mga batang naninirahan sa mabalasik na lansangan.
Sa kabila ng maikling panahon na aking ipinamalagi sa Childhope, lubusan naman ang aking mga natutuhan sa bawat natatanging istorya ng mga batang kanilang benipisyaryo na aking nakilala. Nabatid ko kung paano sa murang edad ay namulat na agad sila sa mapait na reyalidad ng buhay. Naikwento nila ang mga pagsubok na kanilang naranasan tulad nalamang ng kakapusan sa kinikita ng kanilang pamilya para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Naisalaysay din nila kung paano sila natutulog sa lansangan kasama ang kanilang pamilya habang ang iba ay naninirahan lamang sa maliit na baro-baro. Dahil sa halip na gamitin nila ito upang makahanap ng pormal na tirahan ay inilalaan nalamang nila ito sa pag-aaral at iba pang mga gastusin sa araw-araw.
Higit pa rito, hindi rin sila nakaligtas sa matatalim na mga mata ng ibang tao sa kanila. Nakaranas sila ng diskriminasyon at pang-aabuso dahil lamang sa kanilang katayuan bilang mga batang nakikipagsapalaran sa lansangan. Dahil sa mga mabibigat na hamon na ito sa kanilang buhay, mas nagpupurisigi silang maigapang ang kanilang pag-aaral sa tulong at gabay ng Childhope at ng kanilang mga butihing donor upang sila ay makaalpas sa kahirapan at magsilbing inspirasyon sa mga kapwa nila bata na hinuhulma ng mundo ng lansangan.
Dahil sa Educational Assistance Program ng Childhope gayundin ng kanilang Skills Development program, mas nabigyan ng oportunidad ang mga batang ito na maging abot-kamay ang pagtupad ng kanilang mga pangarap at mithiin sa buhay. Sa pamamagitan nito, patuloy na nagsisilbing tulay ng pag-asa ang Childhope upang masilayan ng mga bata ang mas maaliwalas na kinabukasan at hindi nalamang umaasa sa pahapyaw na sinag ng araw sa lansangan.
Nasaksihan ko rin ang pagbibigay pagkilala sa ilan sa mga masisikhay at masisipag na iskolar ng Childhope na nagsipagtapos ng kanilang pag-aaral at nagkamit ng mga parangal at gatimpala sa kanilang paaralan. Ang kanilang walang katulad na pagsisikap at dedikasyon sa buhay ay nagbigay din sa akin ng malaking inspirasyon upang mas magtiwala sa sarili at balikan ang mga dahilan kung bakit ko nais abutin ang aking mga pangarap sa buhay.
Bukod sa mga batang benipisyaryo at iskolar ng Childhope, isang karangalan din ang makilala ang ilan sa kanilang mga matitiyaga at masisigasig na social workers na nagsisilbi ring matibay na pundasyon ng Childhope. Hindi man agad sumagi sa isipan ng ilan sa kanila na tahakin ang kursong social work sa kolehiyo ay napamahal naman sila sa kanilang trabaho na maglingkod sa masa higit na sa mga maralitang kababayan bilang isang social worker. Kung minsan man ay labis ang nararanasang pagod, napanghihinaan, at nabibigo, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy nila ang kanilang sinumpaang tungkulin at matayog na manindigan para sa mga batang nangangarap ng mas matingkad at inklusibong kinabukasan. Maging noong kasagsagan ng pandemya sa bansa, kasama ang iba pang mga volunteers ng Childhope, ay hindi nila nalimutang bisitahin at kumustahin ang lagay hindi lang ng mga batang kanilang tinutulungan kundi ng mga pamilya nito. Patunay ito na hindi lamang sila naghahatid ng magandang pagbabago bagkus maging sila ay isang tunay na simbolo ng pagbabago.
Sa gitna ng lahat ng ito, hindi maipagkakaila na nagsisilbing gabay na liwanag, matibay na sandalan, at pangalawang tahanan ang Childhope sa lahat ng mga katuwang at kapamilya nito – sa mga street educators, social workers, volunteers, at higit sa lahat sa mga bata sa lansangan na may mga matatayog na parangap para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya.
Bilang isang future media practitioner, ang kanilang mga naratibo ang isa sa mga karapat-dapat na bigyan ng boses at ipabatid sa publiko, dahil ang mga katulad nilang kasapi ng masa ang biktima ng salat na oportunidad at mga pangunahing karapatan sa buhay dulot ng lumalalang kahirapan sa bansa. Kaya isang malaking karangalan ang makilala ang Childhope at makasalamuha ang mga taong bumubuo rito na higit pa sa naturang depinisyon ng isang organisasyon.
Pagpupugay sa lahat po ng mga taong nasa likod ng Childhope at kina Ma’am Jem at Ma’am Mylene na gumabay sa amin sa isang hindi malilimutang karanasan na ito. Muli, maraming salamat sa pagpapatuloy sa amin sa inyong munting tahanan kahit sa maikling panahon.
Mabuhay ang mga batang pag-asa ng bayan! Patuloy na mangarap para sa sarili, para sa pamilya, at para sa bayan. Padayon!
Noreil Jay I. Serrano
Student-Intern
Polytechnic University of the Philippines